Suring-Balita

Harangin ang pangungulimVAT

(Inilathala sa Pinoy Weekly, Bolyum 7 Isyu 19 Mayo 21 – 27, 2008)

Huling nilahukan ni Crispin “Ka Bel” Beltran ang paglaban sa value-added tax na lalong nagpapahirap sa minahal niyang mga mamamayan.

Kenneth Roland A. Guda

Tanghali noong Mayo 20. Sa emergency room ng ospital ng Far Eastern University kung saan kadedeklara pa lamang ang pagkamatay ni Anakpawis Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran, nag-usap-usap ang militanteng mga kongresista.

Huli na sila sa kanilang lakad sa araw na iyon. Inisip nila: Kailangan ba talagang ituloy ang iskedyul sa kabila ng di-inaasahang trahedya? Ano kaya ang gustong mangyari ni Beltran kung buhay pa siya?

Matapos ang huntahan, sa harap ng bangkay ng yumaong kasamahan, nagdesisyon sina Bayan Muna Reps. Satur Ocampo at Teddy Casiño, at Gabriela Reps. Liza Maza at Luz Ilagan na itutuloy nila ang appointment: ang pagsumite ng resolusyon sa Kamara na ibasura ang 12-porsiyentong VAT (value-added tax) sa kuryente.

Dati nang pirmado ni Beltran ang resolusyon. Plano pa sana niyang magbigay ng privilege speech noong araw na iyon sa plenaryo ng Kamara. Sa kabila ng matinding tangis sa pagkawala ng dakilang boses ng anakpawis, tumuloy ang apat sa Kamara. Ito raw ang gugustuhin ni Beltran. Gugustuhin niyang ituloy ang takdang gawain sa araw na iyon.

Gugustuhin niyang ipagpatuloy ang laban.

Laban ni Ka Bel vs VAT

Matagal nang nilabanan ni Beltran at ng militanteng mga kongresista ang VAT at ang pinalawak nitong bersiyon na E-VAT (expanded value-added tax), na anila’y pabigat lang sa mga maralita.

Noong nakaraang taon, sa mismong unang araw ng ika-14 na Kongreso at pagsisimula ng kanyang huling termino bilang kongresista ng Anakpawis Party-list, ang panukalang pagbasura sa VAT at E-VAT ang isa sa pinakaunang isinumite ni Beltran sa Kamara.

At sa panukalang batas ng limang militanteng kongresista kabilang si Beltran noong Mayo 20, ipinanukala naman ang pagbasura sa VAT sa kuryente. Paliwanag ng kasamahan ni Beltran na si Gabriela Rep. Liza Maza, “Kailangan ang hakbang na ito bilang pansamantalang ginhawa sa mga konsiyumer sa harap ng nagtataasang presyo ng pagkain at langis,” sabi ni Maza.

Batid nina Beltran at Maza ang halaga sa taumbayan ng pansamantalang ginhawang ito. Maliban sa pagiging konsiyumer din nila – si Beltran pa nga ang pinakamahirap na kongresista sa Kamara – pinatunayan ng mga pag-aaral na malaki ang maibabawas sa presyo ng kuryente at langis kung tatanggalin ang VAT sa mga produktong ito.

Sa tantiya ng Kontra KulimVAT, kampanyang naghahangad ng pagbasura sa VAT sa kuryente’t langis, aabot sa P5 hanggang P6 kada litro ang agad na mababawas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa oras na tatanggalin dito ang VAT. Halos P69 naman ang mababawas sa presyo ng isang tangke ng LPG kung walang VAT. Aabot din sa average na 72 sentimos kada kilowatt-hour (kWh) ang mababawas sa singil sa mga kumokonsumo ng kuryente.

VAT sa kuryente, langis

Binigyang-tuon ng militanteng mga kongresista ang kuryente at langis dahil ito ang dalawang produktong matindi ang itinataas ng presyo. Mula nang ideregularisa ang industriya ng langis at simulan ang pagsasapribado ng distribusyon ng kuryente, wala nang humpay ang pagtaas ng presyo ng naturang mga produkto.

“Ang langis ay direktang kinokonsumo, tulad ng LPG at kerosina sa mga kabahayan at diesel ng mga tsuper ng dyipni,” paliwanag ni Arnold Padilla, tagapagsalita ng Kontra KulimVAT. Sinabi pa niyang sa bawat pagtaas ng presyo ng kuryente at langis, nagkakaroon ng matinding presyur na magtaas din ng presyo ang iba pang produkto.

Sang-ayon si Sen. Mar Roxas sa pag-alis ng VAT sa produktong petrolyo. Suspensiyon lang ang gusto ng senador, na dati nang bumoto pabor sa E-VAT noong 2005. Gayunman, naniniwala siyang “huling baraha” na ng gobyerno ang pag-alis (kahit pansamantala) ng VAT sa langis para maibsan ang hirap na dulot ng pagtaas ng mga bilihin.

Sa harap ng pagtaas ng singil sa pamasahe, sinabi ni Roxas na tanging pagtanggal na lamang sa VAT ang maaasahan ng mga mamamayan na magbibigay ng kaunting ginhawa. “Kung gusto ng gobyerno ng ‘win-win’ na solusyon, suportahan na nito ang pagtanggal ng VAT sa langis. Agad na makikinabang dito ang parehong tsuper at pasahero, kaya hindi ko alam kung bakit ipinagdaramot pa rin ito,” sabi niya.

Maging si Sen. Miguel Zubiri ay pabor sa pagtanggal sa VAT sa langis at kuryente. “Mas pabor pa ako sa pagkolekta ng partikular na mga buwis sa kita ng mga korporasyon ng langis. Tatamaan diyan ang oil companies, hindi ang taumbayan,” paliwanag niya.

Ayaw bitawan ang VAT

Sa kabila ng mga panawagan, naging madiin ang Malakanyang na hindi nito bibitawan ang pagkolekta ng VAT sa langis at kuryente. Sinabi ni Sek. Margarito Teves ng Pinansiya na napagkasunduan na sa gabinete na ibasura ang panukalang tanggalin ang VAT.

Nanghihinayang kasi si Teves sa P18 Bilyong inaasahang makokolekta ng gobyerno mula sa VAT sa langis ngayong taon kung mananatili sa mahigit $100 bawat bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Bukod dito, inaasahang kikita ang gobyerno ng P1.21 Milyon sa bawat P1 kada litro na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Kapalit ng nasabing panukala, pinag-iisipan umano ng pamahalaan na gamitin ang P18-B para tustusan ang mga diskuwento sa mga tsuper at pagbili ng murang pagkain para sa mahihirap.

Kasabay nito, binawasan din ng gobyernong Arroyo ang taripa sa langis. Sinabi ng Department of Energy na magmula Hunyo ay hindi na muna maniningil ang gobyerno ng taripa sa inaangkat na langis.

Pero para sa Ibon Foundation Inc., isang pribadong institusyon ng pananaliksik, sinubukan na ng gobyerno noong Pebrero at ngayong Mayo na bawasan ang taripa, pero patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng langis.

Noong Pebrero, naging 2% mula 3% ang ibinaba nito; noong Mayo ay ginawang 1% na lamang. Pero sa buong panahong ito, aabot sa 11 beses tumaas ang presyo ng langis. Kung susumahin, P7.50 ang itinaas ng presyo magmula noong Pebrero. Nasaan ngayon ang wisyo sa hakbang na ito?

Sinasabi ng gobyerno na bababa ng singkuwenta sentimos ang presyo kapag inalis ang taripa sa langis. “(Pero) paano mararamdaman ng ating mga tsuper at konsiyumer na kakampi nila ang pamahalaan kung pampalubag-loob lamang ang ibinibigay sa kanila at hindi kagyat na ginhawa?” tanong ni Roxas.

Katunayan, kasabay mismo ng pag-alis ng taripa, nagsabi na ang mga kompanya ng langis na magtataas pa sila ng P1.50 sa diesel at piso sa gasolina kung aabot sa $135 kada bariles ang itataas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

“Parang nasagasaan (ang taumbayan) ng rumaragasang pagtaas ng presyo ng pagkain, langis at iba pang bilihin. Pero imbes na itakbo sila sa ospital, binigyan lamang ng band-aid,” paliwanag ni Roxas.

Koleksiyong nakukurakot

Tama lamang na mangolekta ng buwis ang gobyerno. Pero kilala ang gobyerno sa napakaraming kapalpakan nito sa pagbubuwis – mula sa pagkolekta hanggang sa pagtugis sa malalaking negosyanteng umiiwas sa buwis.

Ang masahol pa, hindi napupunta ang buwis sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, pabahay, trabaho at serbisyong pangkalusugan. Ang kalakhan nito’y napupunta sa dalawang bagay: pagbabayad ng utang-panlabas at kurakot.

Sa panukalang batas ni Beltran noong nabubuhay pa siya, sinabi niya sa explanatory note na “noong 2006, nagbayad ang administrasyong Arroyo ng P854.4-B sa kabuuang utang-publiko. Ibig sabihin, aabot sa P9,935 (ang binabayaran) ng bawat Pilipino. Anim o pitong beses na mas malaki ang halagang ito sa ginagastos ng gobyerno sa edukasyon at kalusugan.”

Sa ilalim ng gobyernong Arroyo, tumaas ng 211% ang pagbabayad ng gobyerno sa utang panlabas. At patuloy pa itong nangungutang buwan-buwan sa pandaigdigang mga institusyong pampinansiya.

Kaalinsabay nito, siyempre, ang walang kapararakang korupsiyon sa gobyerno. Nitong nakaraang linggo, inanunsiyo ng Transparency International, isang pandaigdigang institusyon na nagmomonitor sa korupsiyon sa mga bansa, na nanatili sa 2.5 rating ang Pilipinas. Sa rating na 10 bilang pinakamataas, isa ang Pilipinas sa pinatiwaling bansa sa mundo.

“Hindi ordinaryo ang kasalukuyang panahon,” sabi ni Roxas. “Higit na kailangan ni Juan dela Cruz ang pera kaysa sa gobyerno, lalo na kung napupunta lang ang buwis…sa katiwalian at maanomalyang mga kontrata tulad ng ZTE-NBN.”

Hinangad din ng yumaong si Beltran ang pagtanggal sa VAT para manatili sa mga mamamayan ang bahagi ng perang ipambabayad sana nila ng buwis. Bago namatay ang lider-obrero at militanteng kongresista, masugid niyang nilabanan ang korupsiyon sa kabang-yaman.

Sa kanyang huling hakbang bilang kinatawan ng taumbayan, ibinato niya ang mungkahing ito na magbibigay sana ng bahagyang ginhawa sa naghihikahos nang sambayanan.

Mar Roxas sa suspensiyon ng VAT sa langis at kuryente:

Ayon kay Sek. Margarito Teves, mayayaman lamang ang makikinabang sa suspensiyon ng VAT sa langis at kuryente. Ano’ng palagay n’yo rito?

MR: Kalokohan ang sinasabi ni Sek. Teves at nagpapatunay na hindi siya nakatuntong sa katotohanan. Tama, makikinabang nga ang mayayaman, dahilan sa may mga sasakyan sila. Pero mas higit na makikinabang ang mga mahihirap, dahil mas malaking bahagi ng kanilang income ang napupunta sa kanilang transportasyon.

Mabuti na suriin uli ang datos ng DoF at maipapakita nating sa savings na matatanggap ng ating mga kababayan, higit lalo sa diesel at saka sa LPG, malaki ang maitutulong nito sa kanila.

May panukala si Espiker Prospero Nograles na subsidyuhan ang konsumo ng publiko sa kuryente at langis. Anong reaksiyon n’yo?

MR: E di ba ganoon din iyon? Kung isa-subsidize rin lang, di ’wag na lang i-collect, maiwan na lang sa bulsa ng mga nagbabayad nito. Sa ating transport sector, sa mga pumapasok sa opisina, gumagamit ng dyip, bus at traysikel. Pangalawa, sa ating mga mangingisda, sa lahat ng kumakarga ng gasolina para sa kanilang mga baroto, lahat ito ay savings sa kanila. Sa lahat ng mga gumagamit ng produktong petrolyo, malaking savings ito. P5 per liter ng diesel, at higit sa P60 per LPG tank ang savings nito.

Para sa DoF, huwag naman nilang ipagdamot ito. Unang-una, hindi nila pera ito. Pangalawa, babalik din sa kanila ito, kasi itong savings, hindi naman maiiwan sa bulsa ni Juan de la Cruz, gagastusin din muli. At sa paggastos nila, makokolekta muli ng DoF itong pera. Huwag nilang ikarga sa produktong petrolyo ’yung kanilang pagkukulang sa pagkolekta ng buwis. Sinasabi kasi nila, mas madaling kolektahin. E hindi naman sila inilagay diyan para gawin ang madali. ’Yung kapakanan ng mga mamamayan ang dapat unahin dito.

Gawin nila ang trabaho nila. Ang Customs, they did not reach their target. Ang BIR, they did not reach their target. So inaasahan nila na ipapasa na lang kay Juan de la Cruz kasi hindi nila nagagawa ’yung trabaho nila.

*Ambus na panayam ng mga mamamahayag sa Senado kay Sen. Roxas

VAT kailangan pa ito?

• Ang VAT (value-added tax) ay buwis sa pakikipagkalakalan ng mga produkto o serbisyo. Di ito direktang buwis sa konsiyumer, pero ipinapatong ito ng mga nagbebenta ng produkto o serbisyo dahil sila ang sinisingil ng gobyerno.

• Ang VAT ay inimbento ng ekonomistang Pranses na si Maurice Laure noong 1954 at lumawak sa buong mundo.

• Sa bawat prosesong dinadaanan ng isang produkto ay napapatawan ito ng VAT. Sa kuryente, halimbawa, napapatawan ng buwis ang paglikha ng kuryente, pagpapadala nito mula planta hanggang distributor, hanggang sa distribusyon.

• Sa Pilipinas, ang orihinal na VAT ay ipinatupad noong 1988 ng noo’y Pang. Aquino. Pinalitan ng 10% VAT ang four-tiered sales tax at 60 iba pang buwis sa pagbebenta.

• Noong 1994, nangutang si dating Presidente Fidel Ramos ng $650 Milyon sa International Monetary Fund. Isa sa mga kondisyon ng pagpapautang ang paglawak ng saklaw ng VAT.

• Noong 1996, lumawak ang implementasyon ng VAT na sumasaklaw sa mga produktong di pa nito napapatawan, tulad ng mga pestisidyo.

• Noong Enero 25, 2005, ipinasa sa Kongreso ang E-VAT (expanded value-added tax) para itaas sa 12% ang koleksiyon ng VAT. Sa ilalim nito, kokolektahan na rin ng VAT maging ang langis at kuryente.

• Bahagyang lumaki ang pondo ng gobyerno matapos ipatupad ang E-VAT. Noong 2006, nakakolekta ito ng P76.9 Bilyon. Pero sa kabila nito, patuloy na bumaba ang aktuwal na halagang ginagastos ng gobyerno sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan.


Ang maningning at makabuluhang buhay ni Crispin Beltran

(Inilathala sa Pinoy Weekly, Bolyum 7 Isyu 19 Mayo 21 – 27, 2008)

Malaking kawalan sa kilusan para sa makabuluhang panlipunang pagbabago sa Pilipinas ang pagpanaw ni Ka Bel

Kenneth Roland A. Guda

Batang kuryer para sa Hukbalahap. Manggagawa at drayber ng taksi. Unyonista. Lider ng Kilusang Mayo Uno. Detinidong pulitikal. Gerilya. Pandaigdigang lider na anti-imperyalista. Kongresista. Simbolo ng kilusang manggagawa at militanteng oposisyon sa gobyernong Arroyo.

Ilan lamang ito sa mga naging papel ni Crispin “Ka Bel” Beltran sa kanyang buhay. Sa di-mabilang na pagkakataon sa kasaysayan, tumindig si Ka Bel bilang boses ng uring anakpawis. Di maikakaila maging ng mga katunggali niyang nasa estado ang pamumuno ni Ka Bel – una siyang ikinulong bilang lider-obrero noong batas militar ni Marcos, at pangalawa bilang militanteng kongresista noong ideklara ni Pang. Arroyo ang Proklamasyong 1017 noong Enero 2006.

Minsan na niyang sinuma ang landas na tinahak niya nang ganito: “Ang buhay ko ay walang tigil na pakikibaka para sa pampulitika at panlipunang pagbabago at kalayaan.”

Ipinanganak noong Enero 7, 1933 sa Bacacay, Albay, maaga niyang “nakita ang kabuluhan ng paglaban” nang aktibong lumahok siya sa kampanyang gerilya ng Hukbalahap (Hukbong Bayan Laban sa Hapon).

Matapos ang Ikalawang Digmang Pandaigdig, tumungo siya sa Kamaynilaan para mag-aral at magtrabaho. Dekada ’50 nang maging drayber ng taksi si Ka Bel at noong 22 anyos pa lamang ay naging presidente ng Yellow Taxi Drivers’ Union at ng Amalgamated Taxi Drivers Federation mula 1955 hanggang 1963.

Mula 1963 hanggang ideklara ang batas militar, bise-administrador si Ka Bel ng Confederation of Labor Unions of the Philippines, at bise-presidente ng Anglo (Alliance of Nationalist Genuine Labor Organizations). Kasama siya sa mga lider-obrerong nagtatag sa KMU (Kilusang Mayo Uno) noong 1980. Taong 1982 nang ikulong si Ka Bel ng diktadura, kasabay ng tagapangulo ng KMU na si Felixberto “Ka Bert” Olalia.

Namatay sa pneumonia si Ka Bert noong 1984 dahil sa matagal na pagkakulong. Para di sapitin ang mapait na dinanas ni Ka Bert, nagdesisyon si Ka Bel na tumakas sa pagkakapiit sa tulong ng kanyang asawang si Osang at ng iba pang kaanak. Nagtago siya sa Gitnang Luzon kung saan sinasabing kinanlong siya ng mga gerilya ng New People’s Army.

Nang mapatalsik si Marcos noong 1986, isa si Ka Bel sa mga pinalaya ng bagong administrasyong Aquino. Agad na ipinagpatuloy ni Ka Bel ang pamumuno sa KMU bilang tagapangulo nito. Pinamunuan niya ang kilusang manggagawa sa panahong matinding binabayo ito ng globalisasyon noong panahon ng administrasyong Ramos at Estrada.

Bilang pagkilala sa kanyang pamumuno sa pambansa-demokratikong pakikibaka sa Pilipinas, inihalal ni Ka Bel bilang tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle noong 2001. Taong ito rin nang mahalal siya sa Kongreso bilang pangalawang kinatawan ng Bayan Muna. Taong 2004, pinamunuan niya ang Anakpawis Party-list. Matapos ideklara ni Arroyo ang Proklamasyong 1017 noong Pebrero 2006, ikinulong si Ka Bel ng rehimen sa kabila ng maselang kondisyon niya dulot ng mga sakit. Nanatili siya sa kustodiya ng pulisya hanggang Hulyo 10, 2007 nang ibasura ng Korte Suprema ang kasong rebelyon laban sa kanya at sa lima pang militanteng kongresista.

Sa pagbalik niya sa Kamara ngayong ika-14 na Kongreso, ipinagpatuloy ni Ka Bel ang pagtataguyod sa interes ng mga manggagawa at taumbayan. Kabilang sa ipinaglaban niya sa Kamara ang pagsasabatas ng P125 dagdag-sahod at Genuine Agrarian Reform Bill.

Nitong Enero 2008, ipinagdiwang niya ang ika-75 kaarawan niya. Sa kabila ng mga sakit, hindi nanahimik si Ka Bel: Patuloy siyang nakipagdebate sa Kamara, nagmartsa at nagtalumpati sa mga kilos-protesta.
Sabi niya noong kaarawan niya: “Nararamdaman ko na rin na ako’y matanda na. Nariyang nanghihina na ang aking tuhod at marami na akong iniinom na mga gamot. Pero ang isip at determinasyon ko naman sa paglaban ay nananatiling bata pa. Mula paggising hanggang pagtulog, iniisip ko kung paano makakapaglingkod sa mga mamamayan dahil sa kanila ako kumukuha ng lakas ng loob, lakas ng isip at lakas ng katawan para magpatuloy.”

Nawa’y maipagpatuloy ang diwa ng maningning at makabuluhang buhay ni Crispin “Ka Bel” Beltran.

Sa alaala ng dakilang lider-obrero:

Hindi man natupad ang kagustuhan ni Ka Bel na sa lansangan siya mamatay nang lumalaban, ang pagkamatay niya ay hindi pa rin mabababalewala. Ang buong buhay niyang inalay sa paglilingkod sa mga mamamayang Pilipino at iba pang pinagsasamantalahan sa daigdig ay higit pa para ituring siyang bayani.

-Elmer Labog, Kilusang Mayo Uno

Ilang beses siyang nagpuntang Hong Kong para makipag-usap sa mga OFW. Kaya sa unang Filipino Women Migrant Workers’ Summit sa Hong Kong noong 2006, mahigit 100 organisasyon ang nagpasa ng resolusyong tumutol sa pag-aresto at pagpiit sa kanya. Kahit nang pakawalan siya, patuloy siyang naging target ng rehimeng Arroyo. Malinaw ang mensahe niya noon: Huwag sumuko. At hinding-hindi kami susuko.

-United Filipinos in Hong Kong-Migrante

Namatay si Ka Bel sa panahong lantaran na ang korupsiyon at paglabag sa karapatan ng mga mamamayan. NGUNIT HINDI TAYO INIWAN NI KA BEL! Si Ka Bel ay mananatiling buhay sa ating pakikibaka para sa tunay na repormang agraryo, sa makatarungang sahod, sa disente at makataong pamumuhay.

-Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK)

Maaaring oras ang kalaban ng indibidwal na mga buhay na tinatapos nito nang mabilis at madalas ay hindi inaasahan; pero ito rin ang alyado ng kilusang masa, sa epikong martsa tungong kalayaan at pagkakapantay-pantay, at para sa mga bayani tulad ni Ka Bel.

-Gabriela Network USA

Ngayong tanghali, inaasahan sana naming makasama si Ka Bel sa paghahain ng panukalang batas para alisin ang Value-Added Tax sa kuryente. Itutuloy namin ito at isasama ang pangalan niya bilang co-author para magpugay sa kanyang dedikasyon sa pakikibaka ng mga inaapi. Sa kanyang pagkamatay, kasama na niya sina Crisanto Evangelista, Ka Bert Olalia at Ka Lando Olalia sa talaan ng dakilang mga lider ng rebolusyonaryong kilusan ng uring manggagawa. Lubha naming hahanap-hanapin si Ka Bel. Pero tuloy ang pamana ng kanyang pakikibaka.

-Bayan Muna

Ang delikadong mga kondisyon sa pagawaan ang dahilan ng pagkamatay ng maraming manggagawa tulad ng karpintero, mason, at mga manggagawa sa pabrika. Andiyan ’yung kinain ng makina ang kamay, nahulog sa kumukulong kemikal, sumabit sa alambre, at iba pa. Si Ka Bel, nahulog sa bubong habang nagkukumpuni ng bahay. Bitbit niya ang martilyong papanday ng sambayanan.

-Kim Gargar, Agham

Naaalala ko, sa bukana ng taon, nagdiriwang kami ng anibersaryo ng Partido Liberal at nakikipagdiyalogo sa mga mamamayan ng Barangay Commonwealth. Dumating bigla si Ka Bel. Nagulat ako at natuwa. Alam niya talaga ang pulso ng mahihirap.

-Sen. Mar Roxas

Hahanap-hanapin namin si Ka Bel bilang paksa ng aming mga istorya at kaibigan ng mga mamamahayag. Bilang mambabatas, sinuportahan niya ang mga panukalang batas para sa kalayaan ng impormasyon. Bilang lider-unyon, kasama niya ang mga manggagawa sa midya, minsan pa siyang sumama sa piketlayn noon ng nagsarang Manila Chronicle.

-National Union of Journalists of the Philippines

Maaaring nagkakaiba kami ng paniniwala at pananaw sa ilang isyu, ngunit tuwing siya ang kaharap ko, may kapanatagan ang aking kalooban na siya ay totoo at hindi nagbabalat-kayo. Ito ang ugaling taglay niya na naging daan sa pagsulong ng mga repormang ninanais niya di lamang para sa sarili, ngunit para sa ating lahat.

-Sen. Noynoy Aquino

Ipinagluluksa namin ang biglaang pagkamatay ng isa sa pinakarespetadong mga lider-obrero sa bansa.

-Anthony Golez, deputy spokesman ng Malakanyang

Advertisements

2 Responses to Suring-Balita

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: