Lathalain

Kuwentong Ka Bel
Iba’t ibang eksena sa buhay ng dakilang ider-obrero

IKINAGULAT ng bansa ang biglaang pagpanaw ni Anakpawis Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran noong Mayo 20 sa kanyang tahanan sa Bulacan.

Nitong nakaraang mga araw, sa burol ni Ka Bel sa simbahan ng Iglesia Filipina Independiente sa Taft Avenue, Maynila, nagpugay sa kanya ang mga kasamahan ni Ka Bel. Nag-ambag ng kani-kanilang mga kuwento ang mga nakasama ni Ka Bel – na nagpapakita ng pagiging simple at dalisay sa puso ng yumaong lider-obrero. At kuwento rin ng matinding kapangahasan at tapang sa kanyang mga paglaban.

* * *

Sinariwa nina Malu at Presto, dalawang nakatrabaho, ang karanasan nila kay Ka Bel:

“Tuwing magkikita kami – pinakahuli ang aming pagyayakap at kumustahan noong Mayo 1 – pinuntahan ko talaga siya sa likod ng stage. Hindi puwedeng hindi kami magkikita ng hindi kami nagbabatian sa pamamagitan ng yakap…”

“Fulltime ako noon na nakatira sa KMU office sa Morato. Alas-sais ng umaga, may maingay na kumakatok sa pinto. Si Ka Bel iyon. Nasira raw ang karag-karag niyang sasakyan. Di ko sigurado kung naglakad lang siya o nagdyip. Pero ipinakita niya ang luray-luray na wallet: Sampung piso na lang ang laman! Problema niya, marami siyang lakad ng araw na iyon, kaya pinahiram ko pa ng pamasahe.
“Tagapangulo ng KMU pero kahit pamasahe, kinakapos siya. Ganoon kasimple ang pamumuhay ni Ka Bel.”

* * *

Kuwento ni Ina Silverio, dating chief of staff ni Ka Bel at matalik na kaibigan, sa kanyang blog:
Si Ka Bel ang naglilinis sa sariling sapatos, tumatahi sa mga butas ng kanyang pantalon at barong, naglilinis ng sariling mesa at nag-aayos ng kanyang mga papeles at babasahin. Siya ang naghuhugas ng pinagkainan niya (kapag hindi siya naunahan ng istap) at gumagawa ng sarili niyang kape.
Pero may panahong hindi siya ang gumawa ng sariling kape dahil sa isang pagkakamali niya sa mga lagayan. Naglagay siya ng isang kutsaritang instant na kape at kalahating kutsarita ng pulbos na kulay brown sa kanyang tasa, hinaluan ng tubig, hinalo at tinikman, at nangulubot ang kanyang labi.

“’Ne, bakit ang asim ng kape?”

“Po? Paanong maasim?”

Itinuro niya ang isang maliit na botelyang may pulbos na kulay brown. “Baka iyung asukal, sira na? Pero hindi nasisira ang asukal…” Kinuha ko ang botelya, inalis ang takip at inamoy ang laman: maasim at matapang. Alam kong hindi iyon asukal.

“Ka Bel, iced tea ’yan!”

• • •

Hindi nakakapag­tabi ng pera si Ka Bel sa pitaka niya – kalakhan ng kanyang alawans, ibinibigay niya sa kanyang misis, si Ka Osang, at ang natira, ibinibigay niya sa mga taong lumalapit sa kanya at humihingi ng tulong pampinansiya. Minsan, nakakainis ang pagiging mapagbigay niya, kahit sa pekeng mga potograpo/reporter sa Kongresong nangulit sa kanyang bilhin ang walang-pokus at malabong mga larawan niya habang nagsasalita sa plenaryo – naaawa daw siya.

Medyo matipid din siya. Iyung iba niyang ginagawa, parang sobra na: Minsan, kinalahati niya ang isang sintas ng sapatos niya, na ginamit para itali ang isang pares ng sapatos niyang balat, tapos itinago niya iyung isa pang sintas.

“Bakit ninyo ginupit?!” tanong ko, galit noong nakita ko siya sa mesa niya, inaapuyan ang dulo ng isa sa kanyang kinalahating sintas para tiyaking hindi magkakalas-kalas at papasok sa butas ng sapatos.
“Para may isa pa akong bagong pares ng tali ’pag naluma na ito.”

“Jusme, Ka Bel naman! Mura lang ang sintas!”

Ngumiti lang siya nang pagkaliwa-liwanag.

* * *

Kuwento ni Bong Labog, kasalukuyang tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno:

Minsan nang nakumbidang magsalita si Ka Bel sa isang pandaigdigang kumperensiya ng mga manggagawa sa London, Great Britain. Dahil pagtitipon naman ng mga manggagawa, hindi inasahan ni Ka Bel na kailangang mag-kurbata at Amerikana.

Bago tumungo sa kumpe-rensiya, dumaan si Ka Bel sa isang thrift shop. Nakakita siya ng magandang Amerikana. At suwerte pa, dahil piso lang! Kaya dali-dali niyang binili. Naisip ni Ka Bel, “Ang tikas ko nito, ah!” Pumasok siya sa lugar ng kumperensiya nang taas-noo. Lumingon ang mga tao pagpasok niya.

Tuwang-tuwa si Ka Bel.

Pauwi sa tinutuluyang bahay, sumakay si Ka Bel sa bus. Ang konduktor ng bus, matikas din. Parehong-parehong Amerikana ang suot nila. Uniporme pala ng mga konduktor ang nabili ni Ka Bel.

* * *

Idolo ni Gabriela Rep. Luz Ilagan si Ka Bel. Noong nakabase pa lamang siya sa Davao, labis niyang hinangaan ang dakilang lider-obrero. Kaya naman, noong napili siyang kumatawan sa Gabriela Women’s Party sa Kamara, excited si Luz na makatrabaho si Ka Bel.

Nitong Marso 2008, nakasabay ni Luz si Ka Bel sa biyahe patungong Canada para sa serye ng pagtitipon ng mga Pilipinong migrante. Excited muli si Luz na makasama si Ka Bel. Bago umalis ng Pilipinas, ipinagbilin sa kanya ng asawa ni Ka Bel, si Ka Osang, na palaging paalalahanan si Ka Bel na inumin ang mga gamot sa presyon, at inumin ito sa takdang panahon.

Pagdating sa Canada, nangulit si Luz kay Ka Bel sa pag-iinom ng gamot. Dahil ayaw na niyang abalahin si Luz at iba pang kasamahan sa pag-aalala sa kanya, sinabi ni Ka Bel kay Luz: “Ka Luz, ininom ko na ang gamot ko ngayon.” Tanghali noon, at ininom na raw niya ang gamot para sa oras na iyon. “At para di na kayo mag-alala, ininom ko na rin ang gamot ko para sa gabi.”

* * *

Isa si Leo Esclanda, photo editor ngayon ng Pinoy Weekly, sa iilang litratista na nasa Manila Hotel isang araw noong 2000. Kalagitnaan ng welga ng mga manggagawa nang salakayin ng pulis ang kanilang hanay.
Isang manggagawa, taga-Cavite na Born-Again Christian, ang hinatak ng pulis sa sinturera ng pantalon. Nangibabaw ang pagiging Kristiyano ng manggagawa. “Diyos ko po! Tulungan n’yo ako!” sigaw ng manggagawa. Tiyempo namang si Ka Bel ang malapit sa kanya. Hinawakan niya ang manggagawa at nagsabing “’Wag kang bibitaw!” Pilit na pinaghiwalay ng mga pulis ang dalawa. Ang isang pulis, di kilala si Ka Bel, sinakal ng batuta ang lider-obrero para mapaghiwalay ang dalawa.

Hindi nagtagumpay ang mga pulis, na sabay na lamang na hinuli si Ka Bel at ang manggagawa. Ito ang unang pagkahuli at pagkakulong kay Ka Bel matapos ang batas militar. Defensive ang mga pulis, dahil si Ka Bel pala ang nahuli nila, hindi nakilala ng nanakal na pulis.

Laking pasalamat ng manggagawa. Higit pa sa pasasalamat niya sa Diyos ang pasasalamat niya kay Ka Bel.


Panayam kay Arsobispo Oscar Cruz ng Lingayen-Dagupan
Obispong nakipagtitigan sa pangulo

Hindi papayag ang matapang na obispong ito na manatili pa ng isang araw sa poder si Pangulong Arroyo.
Noel Sales Barcelona

Isa sa pinakatanyag na kritiko ng administrasyong Arroyo ngayon si Arsobispo Oscar Cruz ng Lingayen-Dagupan. Kamakailan, naglabas ng mandamyento de aresto ang isang korte sa Maynila para dakpin ang arsobispo dahil sa kasong libelong isinampa sa kanya ng 20 empleyada ng Pagcor (Philippine Amusement and Gaming Corporation), apat na taon na ang nakararaan. Bukod sa pagiging kritiko, kilala ring numero unong kontra-sugal at katiwalian si Arsobispo Cruz. Dahil dito, kinapanayam siya ng Pinoy Weekly para linawin ang ilan pang usapin, bukod sa kanyang kaso.

Pinoy Weekly (PW): Ano ang masasabi ninyo sa kasong libelo laban sa inyo na itinutulak ng Department of Justice?

Cruz: Sa katotohanan, ipinag­tatanggol ko pa nga iyong mga babae (na empleyado ng Pagcor). Laban ako sa ginawang pagsasamantala sa kanila. Katunayan nga, tinawag ko pa ang pansin ng mga grupong pangkababaihan para tingnan ang bagay na ito. Kung paano mababago ang nangyaring iyon.
Kita mo naman, nagsusulat ako sa Ingles na pang-elementarya. Hindi naman ganoong kalalim. Kaya, hindi ko naiisip na hindi nila mauunawaan ang mga isinusulat ko.
Ang tanging problema lamang ay mayroong lumalaganap na Bagong Kautusan sa bansang ito: Huwag mong sabihin ang katotohanan. Dahil kung sasabihin mo ang katotohanan (ukol sa mga nangyayari sa bansa), magtago ka na.

Alam ko na ito, sa simula pa lamang, nang magsimula ang imbestigasyon ng Senado sa isyu ng jueteng. Iyong mga testigo ko, nagtatago! Natatakot sila para sa buhay nila. Hanggang ngayon naman sa kaso nina Joey de Venecia, Jun Lozada, atbp., at iyong iba pang tumetestigo laban sa gobyerno.
Kaya nga, kung nagsasabi ka nang totoo, manganganib ka na. Kaya nga, ang Pang-11 Utos: Huwag kang magsasabi ng katotohanan.

PW: May direktang kaalaman kaya ang Presidente sa muling pagbuhay ng kasong libelong inihain laban sa inyo?

Cruz: Hindi ko alam. Dahil, wala akong direktang impormasyon na ang Malakanyang (ay may kinalaman sa kaso ko). Pero, ang sinasabi natin, parang triplet iyang Malakayang, DOJ at Pagcor. At napakahirap na tanggalin ang pagkakabuhul-buhol ng mga iyan.
At saka hindi naman talaga iyong mga babae ang nagsampa ng kaso laban sa akin kundi ang Pagcor. At muli, sa pamamagitan ng mga babaing ito… ang sabi ko nga: Maaari mo bang ilibelo ang isang taong hindi mo kakilala? Hindi, hindi ba?

PW: Sa palagay ninyo, hanggang kailan tatagal ang panunupil sa inyo ng kasalukuyang administrasyon?

Cruz: Kung papayagan (ng mga mamamayan) na manatili ang administrasyong ito hanggang 2010, gagawin nito ang lahat para manatili sa puwesto nang matagal. Dahil hinulaan na ng pambansang liderato na magiging First World ang bansa, sa taong 2030. Taong 2008 lamang ngayon, eh! Kung gayon… Mayroon ding prediksiyon na magiging sapat ang suplay natin ng bigas sa 2010. At sa (taong) 2013, magluluwas na tayo ng bigas sa ibang bansa. At sa 2030 nga, magiging First World Country ang Pilipinas. Makikita mo na sariling pagtanaw ito ng kasalukuyang administrasyon, na mas malayo kaysa sa 2010.

PW: Ibig sabihin kapag nanatili ang pangulo sa pwesto, magpapatuloy ang panggigipit sa mga kagaya ninyong kritiko ng sinasabing maling mga gawain ng administrasyon?

Cruz: Oo. Dahil, nagkaroon na ang administrasyon ng pagkalango sa kapangyarihan at maging sa manda ng salapi. Kung lango ka na sa kapangyarihan, gusto mong magkaroon ng manda sa salapi para tuluy-tuloy mong masuportahan ang kapangyarihan mo. Ang problema ng ganitong kaayusan ay iyong mga kakampi mo at iyong mga loyalista mo ay nandiriyan dahil binayaran mo sila. Napakabuway nito. Sa panahong hindi na sila nasisiyahan sa ‘yo o kaya naman, dumating ang panahong hindi mo na kayang maging tagatustos nila, ibabagsak ka nila.
Subalit kapag ang katapatan sa isang liderato ay dahil sa pagsisilbi sa bayan, napakatibay ng pagtitiwalang iyan.

PW: Sa isyung hindi na kukunin ng GSIS ang Meralco…

Cruz: Sa mga oras na ito, habang nagsasalita ako, ang approval rating ng Malakanyang ay -82%. Ang antas ng kredibilidad ay pareho, sa palagay ko, ang pinakaligtas na batas na dapat sundin ay ang alamin mo iyong kabaligtaran.
Mas rasyunal na panghawakan ’yon. Kaya kapag sinabi nilang walang takeover, maaari ko nang bigyang-kongklusyon na gusto nila talagang patakbuhin ang Meralco. Dahil iyong may kontrol sa enerhiya, may kontrol din sa komersiyo at industriya. Usapin ito ng kontrol. Bago o lampas pa sa 2010. Kaya nga, mas mainam na sapantahing iyong kabaligtaran ng sinasabi nila ang totoo.

PW: Sa kaso ng NBN-ZTE, may ihaharap daw na bagong testigo. Sa palagay ninyo, may masasabi kaya siyang makapagtuturol sa Malakanyang na kasangkot ito sa anomalya?

Cruz: Umaasa ako na muling bubuksan ng Senado ang kaso para mabigyan ng panahon at pagkakataon na magsalita itong bagong testigong ito. At maipakita niya ang iba pang larawan.
Subalit hindi nagtatapos ang usapin sa kung pagsasalitain ba o hindi ang bagong testigo, kundi, may iba pang usapin na dapat harapin. Kagaya ng mabibigyan ba siya ng sapat na proteksiyon, etcetera. Kapag nagkagayon, mas marami pang tetestigo.

PW: Ano ang mensahe ninyo sa sambayanang Pilipino na binabayo ngayon ng matitinding krisis?

Cruz: Ang mensahe ko sa kanila, bilang mga tao, kung mananatili tayong bulag, tahimik at pipi, at magkakapit-kapit lamang tayo at wala naman tayong sasabihin, wala tayong nakikita, wala tayong naririnig.
Nabubuhay ang gobyerno sa buwis at dugo, pagpapagal, ng mga mamamayan. Karaniwan na sa bansang ito na karamihan sa kanila, pinabubundat ang kanilang bulsa ng pondo ng publiko. Wala akong makitang dahilan kung bakit dapat hayaan ng mga tao na alipinin sila ng gobyernong binabayaran nila.


Mahal kong boss at kasama

Pagluluksa’t alaala ng katrabaho’t kasama ni Crispin ‘Ka Bel’ Beltran

Ina Silverio-Gargar*

Ang aking boss, paboritong lider-manggagawa at lider-masa, kaibigan at pinakamamahal na kasama, si Rep. Crispin Beltran ng Anakpawis, ay yumao kanina, ilang saglit lampas-tanghali matapos mabagok nang matindi ang ulo niya. Hindi, hindi siya pinaslang ng mga bala ng mga mamamatay-taong ipinadala ng militar o gobyerno; namatay siya dahil nabagok ang ulo niya sa sahig noong nahulog siya sa bubong ng bahay niya sa Bulacan. Inaayos niya ito, malamang dahil panahon na ng bagyo at ayaw niyang tumulo ang tubig sa mga butas at krak at bahain ang bahay niya at ni Ka Osang.

Pinipilit kong maging kalmado, dahil galit ako habang namimighati. Galit dahil napaka-walang katuturan ng pagkamatay niya – nakakatawa pa nga! Kung hindi sana nakamatay ang pagbagsak niya at kung paa o balikat lang ang nabali, naging kuwento na lang ang aksidente, babala – isa sa mga kuwento tungkol sa isang lider-manggagawang malaki ang puso, mabait, mapagmahal pero madalas na matigas-ang-ulo – na siya nga. Dati. Iniisip ko kung gaano katagal bago ako matutong magkuwento tungkol kay Ka Bel sa past tense?

Pero huwag nang pansinin ang galit ko. Ang nangyari – ang pag-akyat niya sa bubong, isang 75 taong gulang na mamang may martilyo, gumagawa ng gawaing bahay at tinitiyak na ligtas sa ulan ang kanyang bahay at pamilya – ay Ka Bel na Ka Bel. Nabuhay at nagtrabaho siya sa bawat araw nang may makabuluhang intensiyon, may layunin, may mithiing protektahan at ipagtanggol ang mga taong pinaka-kinakalinga at minamahal niya. At sumaklaw ang layuning iyon (Ay, kung paanong sumaklaw at sumulong ito tulad ng di-matimping puwersa ng kalikasan!) lampas sa kanyang pamilya – niyakap niya ang uring anakpawis, ang sambayanang Pilipino, at maging ang mga maralita at inaapi sa ibang bayan.

Mabuti siyang tao. Mahilig siyang tumawa – kasama ang iba at kahit nagsasarili. Tumawa siya tulad ng isang totoy na may pilyong sikretong kumikiliti nang walang humpay sa kanya. May ngiti siyang nagkakapagtulak sa iyong patawarin ang kanyang minsa’y eskandalosong mga komento (madalas na puntirya ang mga tulad ni presidenteng de facto Gloria Macapagal-Arroyo; Sek. Raul Gonzalez ng DOJ; Norberto Gonzales, national security adviser; at Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita, gayundin ang ilang opisyal ng Kamara de Representante). Mapagkumbaba at mapanghamak siya sa kanyang mga tagumpay, at sa kanyang komitment at paglaban sa tinawag niyang “demonyong gobyerno,” palaban siya at walang takot. Internasyunalista siya, may pinakamataas na kaisipang sosyalista, at isinabuhay at isinapraktika niya ang prinsipyo niya araw-araw.

Mahusay siyang tatay at asawa, kahit hindi siya mahusay na provider. Ibinahagi niya sa iba anuman ang mayroon siya, ang lukut-lukot na P20 sa kanyang bugbog na pitaka, o ang kanyang masaklaw na kaalaman sa kasaysayan, pulitika at ekonomiya. (Ang mga pinaka-nakakakilala sa kanya, alam kung ano ang mangyayari kapag nagsimula ka ng talakayan kay Ka Bel tungkol sa lagay ng bansa o ekonomiya o kung anong ibang bansa – mahilig makipag-diskurso at sa malusog na balitaktakan si Ka Bel. Madalas, papayag siyang magpahuli sa mga pagdinig ng komite o plenaryo dahil masyado nang lumalim ang pakikipag-usap niya sa mga bisita. Mabuti na lang at makulit ang kanyang istap – hindi nangingiming kaladkarin si Ka Bel at itaboy siya papunta sa kanyang mga lakad.)

Nagtrabaho ako kasama si Ka Bel at para sa kanya sa mahigit isang dekada. Naging isa ako sa mga istap niya noong tagapangulo pa siya ng militanteng Kilusang Mayo Uno noong 1995; at noong nahalal siya sa unang termino niya bilang kinatawan ng party-list na Bayan Muna noong 2001, pumasok ako sa opisina niya bilang opisyal pang-midya at, pagkatapos, chief of staff. Ito ang katungkulan ko noong nahalal siya sa kanyang ikalawa at ikatlong termino sa Anakpawis hanggang lumipat ako sa NDFP Human Rights Monitoring Committee sa Joint Monitoring Committee noong huling bahagi ng 2007. Lahat-lahat, 12 taon iyon! Ngayon, 32 taong gulang na ako, at ipinagmamalaki kong sabihing ang pinakamapagmulat na mga taon ko bilang manunulat at aktibista ay hinubog at inimpluwensiyahan ng mga tulad ni Ka Bel. Labindalawang taon, at napakalaking karangalan ang bawat araw niyon ng paglilingkod sa isang sinsero, mapagkumbaba, napakatalino at may malalim na komitment na lingkod-bayan.

Aaminin kong matagal kong kinatakutang darating ang araw na ito. Hindi na bata si Ka Bel, at mayroon siyang diabetes at hypertension, at napakahirap ng nakaraang dalawang taon dahil sa kanyang di-makatarungan at ilegal na pagkakapiit dahil sa gawa-gawang kaso ng rebelyon. Kinatakutan ko ang araw na hindi ko na maririnig ang boses niya sa mga rali o sa bulwagang pamplenaryo ng Kamara de Representante. Araw na hindi ko na maririnig ang tawa niya o makikita ang ngiti niya at mararamdamang hawakan niya nang mahigpit ang mga kamay ko habang kinukumusta niya ako. Araw na mawawala ang pinakamatapat at walang-takot na lider ng kilusang paggawa sa Pilipinas.

Anu’t anuman, dumating na ang araw na iyon, at at gaano ko man inihanda ang isip at damdamin ko, napakahirap, napakahirap pa rin nitong dalhin.

*Nagtatrabaho ngayong istap ng NDFP Human Rights Monitoring Committee si Ina Silverio-Gargar, dating chief of staff ni Ka Bel sa Kongreso.

Salin ni Roberto Andres mula sa orihinal na Ingles


Bayani “Ka Bay” Abadilla

Itinuturing na bayani ng nakaraan at kasalukuyang panahon si Bayani “Ka Bay” Abadilla, manunulat, propesor at kapatnugot ng Pinoy Weekly.

PUMANAW noong Mayo 14 si Bayani S. Abadilla — manunulat, propesor, at mamamahayag matapos ang pakikipaglaban sa lymphoma. Anak ng modernistang makata sa Filipino na si Alejandro G. Abadilla, beterano si Bayani ng First Quarter Storm. Isa siya sa mga tagapagtatag ng progresibong grupo ng mga manunulat na Paksa o Panulat Para sa Kaunlaran ng Sambayanan. Nagsulat siya para sa iba’t ibang pahayagang underground at oposisyon noong Batas Militar.

Nang bumagsak ang diktadura, nagturo si Bayani sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas sa pagbabalik sa unibersidad ni Nemesio Prudente, presidente ng PUP, noong 1986. Patuloy siyang nagsulat para sa progresibong mga publikasyon gaya ng Ang Masa. Nagsulat din siya para sa Diario Uno, broadsheet sa Filipino noong administrasyong Estrada. Pinakamamahal siyang guro ng literatura at iskolar ng lengguwaheng Filipino sa PUP hanggang sa kanyang pagreretiro noong 2005.

Noong 2006, inilathala niya ang kanyang unang koleksiyon ng mga tula, ang Sigliwa Kamao. Noong namatay siya, kapatnugot siya ng Pinoy Weekly.
Iniwan niya ang kanyang asawang si Patricia at anak na sina Magtanggol, Lualhati, Malaya at Filipinas. Siya ay 67 anyos.

***

Ang pagpanaw ni Ka Bay ay nararapat lamang ipagdalamhati ng kilusan dahil nalagasan tayo ng isang kasamang tapat at masigasig sa paglilingkod sa sambayanan. Nakilala ko si Bayani nang binabalak pa lamang na organisahin ang Paksa o Panulat sa Kaunlaran ng Sambayanan. Noon pa man, kamamalasan na siya ng walang pasubaling pagtanggap sa layunin ng kilusan na tipunin ang mga kabataang manunulat upang maitaguyod ang panitikan para sa kaunlaran ng sambayanan. Tulad ng marami sa atin na sa panahon ng Unang Sigwa ay nahibuhan ng adbenturismo, si Bayani ay nakahandang patunayan sa lahat na siya ay lantay na “radikal.” Noo’y handa niyang talikdan ang naging ambag ng kanyang amang Alejandro G. Abadilla sa pagpapaunlad ng panitikang Pilipino. Noon kasi’y pinupuna ng radikal na mga kritiko ang mga tulang eksperimental ni AGA na inakalang “reaksiyonaryo.” Sa kalaunan, natutuhan ng kilusan na ang paglalapat ng Marxistang pagsusuri sa akda ay dapat magsaalang-alang maraming salik na kinabibilangan ng kontekstong pangkasaysayan, estetika, tunguhing pampanitikan, at kapanahunan ng akda. Katibayan ng bukas na kamalayan ni Bayani na sa pamamagitan ng masusing pag-aaral sa teoryang Marxismo, natanggap niya ang panulaan ng kanyang ama at napahalagahan ito bilang ambag ni AGA sa kasaysayan ng panulaang Tagalog.
Ang naging pagkilos ni Bayani sa kilusan ay hindi limitado sa larangan ng sining at kultura. Naging organisador siya ng mga kabataang mahilig sa pagsusulat. Kahit sa panahong marami na siyang nararamdamang sakit sa katawan, matiyaga pa rin siyang umiikot at gumaganap ng mga gawaing naitatalaga sa kanya. Ang kanyang pagsisikap na maitaguyod ang Pinoy Weekly nang dumaranas siya ng kakapusan at panghihina ay halimbawa ng walang pagkapagod na paglilingkod ng isang kasama na tumawid na sa hangganan ng tungkulin at nagsilbing pampasigla sa lahat ng tumatanaw sa hinaharap na ganap na ang kalayaan at demokrasya para sa ating bayan.

-Bienvenido Lumbera
Consultant, Pinoy Weekly
Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan

***

Pakipaabot ang aking pakikiramay sa kanyang pamilya at mga kaibigan. May isa akong kuwento tungkol kay Bayani. Naganap ito sa kadiliman ng rehimeng Marcos. Isinama ako sa Baguio para kitain ang ilang kaibigang nag-andergrawnd. Dumaan kami sa Dagupan, sinabi ng aking mga kasamahan na kailangang kausapin ang isang tao kaugnay ng seguridad sa pagbiyahe. Sinabihan akong huwag kalimutang gumamit ng ibang pangalan kapag ipinakilala sa kanya. Huminto kami sa kung saan, dumating ang taong hinihintay, yumuko at sumilip sa loob ng kotse at sinabing, “Hay, Ninotchka!” Si Bayani iyon.

-Ninotchka Rosca
New York, USA (Isinalin mula Ingles)

***

Ka Bay, minsan lamang kitang nabati ngunit tayo’y malapit – ang ama mo ay matalik kong kaibigan, at ang kapatid mong si Cesar ay naging ka­­klase ko sa elementarya mahigit ka­la­hating siglo na ang nakalipas, kaya sa paglalakbay mo sa kabilang pampang, kasama mo rin ako, at ikaw man ay kasama namin – ang diwa’t halimbawa ng panitik mo – sa mahabang martsa ng himagsikang mapagpalaya tungo sa tagumpay ng pambansang demokrasya. Mabuhay ka!

-E. San Juan Jr.

***

Mayroong kung ano sa ere, parang di kapanipaniwala pero nagbabanta ang nakakaburyong na katahimikan. Walang naganap buong araw ng Mayo 14, 2008 – at nagulumihanan siya kung bakit. Hanggang naisatunog ng text ang di maiiwasan: Pumanaw na si Ka Bay… Hindi naman ito nakagimbal; kakatwang nakaramdam pa nga siya ng ginhawa na ang anak na ito ng tanyag na makata, at makata rin si Ka Bay, ay di na magdurusa, pampalubag-loob na kutsilyong nakatarak sa puso ng nagluluksa sa kanya.

Minsan, hiningian ako ni Ka Bay ng ilang babasahin tungkol kay Habermas, sabay-regalo ng libro tungkol sa monopolyo kapitalismo. Gusto niyang pasaklawin ang kanyang intelektuwal na kaalaman sa Kanluraning mga diskurso, nang hindi binibitawan ang lokal na hermenyutika. Sinabi niyang ipagpapatuloy niya ang pananaliksik niya sa kaakuhang Pilipino, sa pamamagitan ng haluan ng kasaysayan, antropolohiya at panitikan para mapasok ang psyche ng Pilipinong uring anakpawis.

Pero magiging malupit ang tadhana. Isang taon bago ngayon, naratay ang kaibigan niyang katulad niya sa alab na pang-ideolohiya, si Nic Atienza – sinong makakapagsabing susunod siya?

Naririnig ko pa rin ang bungisngis niyang pambibiro noong minsang pinagsaluhan namin ang isang ikot ng beer sa isang tindahan sa likod ng pader ng PUP sa Ilog Pasig. Aalingawngaw pa rin sa tenga ko ang halakhak niya.

Pag-amin niya, nang nababalot ang mukha ng kalmadong kawalan ng damdamin, na minsang sinikap niyang ugnayan ang isang dating kaibigan para tumulong sa kung anong progresibong proyekto at, sa halip, nagbulalas ang paksa ng kanyang kuwento, tulad ng kung sinong retiradong nahiwagaan sa isang biro ng kabataan: “Andiyan ka pa rin?”

Nakamit ng taong ito, sa hanay ng mga kadreng pangkampus ngayon, ang reputasyon ng katanggap-tanggap na radikalismo, maging ng aksidental na pagkabayani, sa panahon ng kleptokrasiya ng mga Marcos.

Nginitian lang ni Ka Bay ang insidente.

Oo, pinarangalan nila siya ng paglalathala ng kanyang mga tula. Pinili niyang tikom na kamao ang maging larawan sa pabalat, na sa tingin ko’y istiryutipikal – pero naroon ang esensiya ng paglaban niya. At nilagom nito ang buhay niya.

Ngayon, mayroon akong kikitain – hindi siya kilala ng mga kabataang sasaluhan ko ng mga alaala at tsaa. Pero nagsulat siya para sa kanila sa mga teksto niya sa wika natin: Mayroon siyang optimistikong pananalig sa mga posibilidad ng hinaharap.

-Edel E. Garcellano
(Isinalin mula sa Ingles ni Roberto Andres)

***

Hindi nagkamali si AGA

Ang ama mo’y hindi nagkamali
sa pangalang ibinigay sa iyo, Bayani.
At sa palagay ko,
hindi mo naman siya hiniya.

Supling ng modernistang makatang
tula ng daidigdig, siya ang walang
maliw na siya. Ang walang
kamatayang siya –
ay pinaslang ng anak na makatang
tumula hindi sa sarili at sa sining.

Pangahas na supling.
Hindi tumalunton
sa daang hinawan ng ama.
Sa halip, inialay ang tula
sa tulad niyang anakpawis.

Sandata’y salita
humihiwa sa diwa
panggising sa naiidlip,
palaso sa kaaway sa uri
at ’ika mo nga,
kalasag sa kalungkutan.

-Soliman A. Santos

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: