Editoryal

Ang Buhay Niyang Inialay

SA pagpanaw ni Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran ng Anakpawis Party-list, at dating tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, nawalan ang mga manggagawa at mga mamamayang Pilipino ng lider na naglingkod nang buong sigasig, buong husay at walang pagkamakasarili.

Ang malaking bahagi ng kanyang buhay, inilaan ni Beltran sa pakikipaglaban kasama ang mga manggagawa at para sa kanila. Hindi siya naawat, kahit sa harap ng panunupil ng iba’t ibang administrasyon simula sa diktadurang Marcos hanggang sa gobyernong Arroyo. Hindi siya umatras, at tuluy-tuloy na sumuong sa mga sakripisyo’t kahirapan.

Mahalagang balikan ang kanyang naging buhay at pakikibaka para maunawaan kung bakit siya itinuturing na “dakilang lider-manggagawa.”

Maaga niyang naranasan kung papaano lumaban at itaya ang sariling buhay para ipagtanggol ang dangal ng bansa. Noong panahon ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas, naging kuryer si Beltran ng mga gerilya. Matapos ang digmaan, nagtrabaho siya sa bukid at naging dyanitor para suportahan ang sariling pag-aaral. Nagtrabaho rin siyang boy sa gasolinahan, utusan, tsuper ng bus at taksi.

Sa puntong ito, mahihinuha na kung paano nahubog ang batayang aktitud niya sa buhay. Matalinong bata, pero di tumatanggi sa trabahong manwal, may puso para sa kapwa at handang magsakripisyo kung kailangan.

Sa edad na 20, militante na si Beltran. Panahon ding ito noong una niyang masaksihan ang kabangisan ng estadong gagawin ang lahat para ipagkait sa mga manggagawa ang nararapat. Nakiisa siya sa isang welga ng mga kapwa-tsuper nang salakayin ng mga pulis ang kanilang piketlayn. Mabangis ang estado: tatlong welgista ang nasawi. Magmula noon, nanumpa na si Beltran na ipaglalaban ang interes at kagalingan ng obrero.

Inorganisa at pinamunuan niya ang Amalgamated Taxi Drivers Association mula 1955 hanggang 1963. Dahil sa kanyang pamumuno, naugnayan siya ng tanyag nang mga lider-obrero noon na sina Felixberto “Ka Bert” Olalia at Feliciano Reyes. Pinangunahan ng tatlo ang pagtatatag ng Confederation of Labor of the Philippines o CLP. Si Beltran ang tumayong bise-presidente nito mula 1963 hanggang 1972. Samantala, pinangunahan din niya ang pagtitipon ng Philippine Workers Congress at iba pang kalipunang pangmanggagawa, tulad ng Kasama at Pacmap, na aktibong pumanday sa mga manggagawa noong panahon ng batas militar.

Nakaukit sa kasaysayan ng kilusang paggawa sa Pilipinas ang 1980 dahil taong ito itinatag ang Kilusang Mayo Uno. Sa ilalim ng pamumuno nina Beltran at Olalia, lumobo ang kasapian ng KMU – mula 100,000, naging 500,000 ito. Sa karimlan ng pasistang diktadura, nagsilbing maliwanag na tanglaw ang KMU.

Batid ng diktadura kung gaano kaepektibo ang paglaban ng KMU, kaya inaresto nito sina Beltran at Olalia noong Agosto 1982. Di kalaunan, namatay sa sakit si Olalia. Handa rin marahil mag-alay ng buhay noon si Beltran, pero batid niyang may mga paglaban pa siyang kailangang pamunuan. Tumakas siya sa pagkakapiit, at nakilahok sa kilusang andergrawnd para mag-organisa ng mga magsasaka at manggagawa sa Gitnang Luson.

Matapos ang 1986, sa panahong maraming lider-oposisyon ang nanamlay dahil sa paniniwalang tapos na ang laban matapos mapatalsik si Marcos, bumalik sa liderato ng KMU si Beltran. Napatotohanang wala pang gaanong nagbago sa mapanupil na katangian ng estado nang paslangin ng mga ahente nito si Rolando “Ka Lando” Olalia, tagapangulo ng KMU, noong 1987. Si Beltran ang humaliling tagapangulo hanggang 2003.

Alam na marahil ng marami ang mahalagang papel ni Beltran sa Kongreso – bilang kinatawan ng Bayan Muna noong 2001 at Anakpawis noong 2004. Sa panahong ito’y tanyag na ang katapangan ni Beltran. Pero lalo lang niyang ipinakita ito sa loob ng Kamara. Itinaguyod niya ang panukalang P125 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor, at P3,000 dagdag-sahod sa pampublikong sektor. Ipinaglaban niya ang pagbasura sa kapangyarihang Assumption of Jurisdiction ng gobyerno, at iba pang batas at polisiyang lalong naglulugmok sa mga manggagawa at mamamayan sa karalitaan at pagsasamantala.
Sa kanyang pagyao, pinapupurihan siya kahit ng mga nakatunggali at kinalaban. Sa hanay ng mga kapitalista’t naghaharing pangkatin, dakila’t prinsipyado si Beltran, pero di na raw makabuluhan ang ipinaglalaban. Sa mga pahayag sa midya, parang sinabi nilang sa kabila ng kadakilaan ni Beltran, wala nang saysay ang kanyang adhikan dahil gumaganda naman daw ang lagay ng mga manggagawa. Bumubuti naman daw ang lagay ng bansa.

Hindi na ito kailangang pabulaanan pa ng estadistika: ramdam ng ordinaryong obrero, ng karaniwang mamamayang Pilipino, ang pagdausdos ng kanilang kalagayan. Ramdam ito ng bawat manggagawa sa mga engklabo, sa mga pabrika at pagawaan. Sa pamamagitan ng mga batas, lalong bumabangis ang estado sa pagsupil sa kanyang hanay. Lalong tumitindi ang atake sa karapatan ng mga manggagawa.

Hindi lamang dakila si Beltran dahil sa kadalisayan ng kanyang puso. Matalas niyang nabatid ang pagsasamantalang matagal nang ramdam ng nagdaralitang mga mamamayan. Ipinaglaban niya ang taumbayan sa abot ng kanyang makakaya. Hangga’t nananatili ang kalagayang ito, hinding-hindi siya makakalimutan ng mga pinaglingkuran niya’t ipinaglaban.

Nasa kanilang kamay na ang pagkakataon para hindi masayang ang buhay na kanyang inalay. (KRG, SAS)


Bahag ang Buntot sa Sabah

Iniulat ng Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur, Malaysia, noong nagdaang Biyernes (Mayo 15) na 24 na mangingisdang Pilipino ang dinakip ng mga awtoridad sa Kudat, Sabah, dahil diumano sa ilegal na pangingisda sa sakop ng karagatan ng Malaysia. Abril 2008 pa nang sila’y hulihin doon sakay ng F/V Princess na pag-aari ng isang Janet Policarpio ngunit, hanggang ngayon, hindi pa malaman kung ano na ang nangyari sa kanila sa kamay ng mga Malaysian.

Maaalaala, noong 2002, parang mga hayop na pinagmalupitan ang mga Pilipinong ikinulong sa Malaysia at pinababalik sa Pilipinas bilang ilegal na mga dayuhan. Sa kulungan doon, batay sa mga ulat, pinaghahagupit sila ng yantok ng mga pulis, binuhusan ng kumukulong tubig, pinagulong sa kubeta, ginutom, at ginahasa pa ang ilang kababaihan. Sa kabila ng kasuklam-suklam na pangyayaring iyon, nanggalaiti lamang ang pambansang liderato, umastang nagpoprotesta, pero hindi man lamang nagharap ng kaso laban sa Malaysia sa ICCJ (International Criminal Court of Justice) si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa Sabah naninirahan ang karamihan sa mga Pilipinong nandayuhan sa Malaysia. Sa kabila ng mga kalupitang dinaranas nila, higit pa nilang ninanais na manatili doon kaysa sa sariling bansang napakailap ang oportunidad na matugunan nila ang pangunahing mga pangangailangan ng pamilya dahil na rin sa kainutilan, kapabayaan, katiwalian at balintunang mga patakarang pangkabuhayan at panlipunan ng kasalukuyang rehimen, gayundin ng mga nauna pa.

Kung tutuusin, sa kabilang banda, hindi sila nandayuhan doon dahil, batay sa malinaw na mga datos, sa Republika ng Pilipinas naman talaga ang teritoryo ng Sabah na tuluyang inangkin na ng Malaysia matapos itong lumaya sa mga Ingles. Lubhang napapanahon na tuloy na seryosong harapin ng gobyerno ang paghahabol sa Sabah ngunit waring bahag ang buntot ng pambansang liderato na gawin ito.

Dekada ’60 sa panunungkulan ng yumaong Presidente Diosdado Macapagal (ama ni La Gloria) nang isulong ng gobyerno ang paghahabol sa Sabah, at nagpulong nga sa Maynila noong Hulyo 3 – Agosto 5, 1963 sina Pres. Macapagal, Pres. Sukarno ng Indonesia at Ministrong Panlabas Tunku Abdul Rahman ng Malaysia at, gayundin, sa Phnom Penh, Cambodia noong Pebrero 5-12, 1964 sina Macapagal at Rahman at napagkasunduang isampa sa World Court ang isyu ng Sabah. Nang maluklok sa poder si Presidente Ferdinand E. Marcos, ipinagpatuloy nito ang paghahabol sa Sabah kaya, noong Enero 12, 1968, ipinalabas ni Rahman ang isang dokumentong naglalahad na ipagpapatuloy ang talakayan ng dalawang bansa tungkol dito.

Pero, bakit, sa sumunod na mga rehimen hanggang ngayon, ibinasura na – at hindi man lamang nababanggit ng waring walang gulugod na pambansang liderato – ang naturang isyu? Nabahag ba ang kanilang buntot dahil kakaning-itik na lamang ang tingin ngayon ng Malaysia sa Pilipinas?

May sukat na 29,000 milya kuwadrado ang Sabah at 18 milya lamang ang layo sa Pilipinas gayong 1,000 milya naman mula sa Kuala Lumpur. Ito ang bumubuo ng isang-ikaapat (1/4) na bahagi ng Karagatang Sulu at nag-uugnay sa mga isla pakanan mula Palawan hanggang Kanlurang Bisaya, Mindanaw at Arkipelago ng Sulu. Dati itong pinamamahalaan ng Sultan ng Brunei, pero noong 1704, ipinagkaloob ng Sultan ng Brunei sa Sultan ng Sulu ang Hilagang Borneo o Sabah bilang pagtanaw ng utang na loob nang matulungan siya ng Sultan ng Sulu na masugpo ang rebelyon sa Brunei.

Noong 1878, pinarentahan ng Sultan ng Sulu kina Baron de Overbeck at Alfred Dent ang Sabah sa halagang $5,000 (Malaysian) na itinaas sa $5,300 nang malaon. Nang itatag ng Ingles na negosyanteng si Dent ang British North Borneo Co. at mapagkalooban ng Karta Royal noong 1881, nagprotesta ang pamahalaang Espanya at gobyernong Olandes sa Bretanya ngunit binigyang-diin ng Bretanya na “MANANATILI SA SULTAN NG SULU ANG PAGMAMAY-ARI SA SABAH” at tungkuling administratibo lamang ang gagampanan ng kompanya ni Dent.

Nang inilipat naman noong 1946 ng British North Borneo Co. sa British Crown ang lahat nitong karapatan at obligasyon sa Sabah, at noong Hulyo 10, 1946 – anim na araw matapos ibalik ng Amerika ang inagaw na kalayaan ng Pilipinas – iginiit na ng British Crown ang ganap nitong mga karapatan sa soberanya ng Hilagang Borneo o Sabah. Higit pa ngang masama, matapos nitong pagkalooban ng kasarinlan ang Malaysia, ganap nang inangkin ng Malaysia – hanggang ngayon – ang Sabah. (Para sa detalyadong mga datos, basahin ang “Balik-tanaw sa Sabah,” Pinoy Weekly, Set. 25 – Okt. 1, 2002).

Batay sa nabanggit na malinaw na mga datos, mag-aasal-aso na lamang bang bahag ang buntot ng gobyerno ng Pilipinas, lalo na si La Gloria, sa isyu ng pagmamay-ari sa Sabah? Paano itatakda, sa kabilang banda, ng pambansang liderato ang hangganan ng teritoryo ng Pilipinas at aangkinin pa ang Spratlys o grupo ng mga islang tinawag na Kalayaan kung hindi man lamang ito makapagpakita ng pangil sa lehitimong isyu ng Sabah? O matapang lamang ito laban sa mulat, makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan, gayundin laban sa mga kritiko ng rehimen? – RLO

Advertisements

One Response to Editoryal

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: